PRESS BRIEFER
07 September 2026

Matapos ang ilang buwang pag-iimbestiga at pagsalang sa proseso ng batas, nakitaan ng aming opisina ng prima facie evidence with reasonable certainty of conviction para kasuhan ng Plunder o pandarambong si Leyte First District Representative at dating House Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez.

Para ito sa pagkamal ng humigit kumulang P7.4-Billion mula sa mga komisyon, commitment, quota, suhol at iba pa, galing sa mga napangakuan ng mga proyekto ng pamahalaan mula 2022 hanggang 2025.

Kasama ni Romualdez na akusado sa kasong ito ang kanyang naging House Appropriations Committee na si dating Ako Bicol Party-list Representative Elizaldy “Zaldy” Co, ang kanyang staff sa bahay na si Jocelyn Sereño at si Felecito Guevarra, isang money changer.

Ayon sa aming resolusyon, si Romualdez ay may “Institutional Influence” sa Kamara bilang Speaker.

Siya ang may hawak noon ng pinakamalaking kapangyarihan sa Kamara—tulad ng kanyang papel sa mga komite, sa pagpili kay Zaldy Co bilang Chair ng Appropriations Committee at ang kanyang papel at impluwensya sa legislative at budget process.

Mayroon si Romualdez noon na “uninterrupted control and meaningful participation over the national budget” bunga ng kanyang position at pagkakaibigan kay Co.

Si Co naman ang may impluwensya at kapangyarihan sa pagsasama ng mga proyekto sa budget, pagpondo at pagbigay prayoridad sa mga ito.

Ayon sa aming imbestigasyon, hindi bababa sa 15 beses na tumanggap ng delivery ng pera si Romualdez mula sa mga tauhan ni Co mula September 2022 hanggang taong 2025.

Para yan sa tig-P2 Billion buwanang quota o koleksyon na ipinataw ni Romualdez kay Co.

Tinanggap ang mga cash delivery ng tauhan ni Romualdez na si Sereño sa iba’t ibang bahay at property ng kongresista.

Halos P5 Billion mula sa nakamal na pera ang ginamit ni Romualdez para magtayo ng iba’t ibang shell o dummy companies tulad ng GOLDEN PHEASANT HOLDINGS CORPORATION, BRAAVOS HOLDINGS OPC at VALIANT CONSOLIDATED RESOURCES, INC.

Pinalabas na nagkaroon ng palitan ng pera sa ibang currency sa tulong ni Guevarra na may isang foreign exchange company.

Naging daan ang iba’t ibang shell companies para ilipat-lipat ang pera at makabili ng iba pang property, kumpanya at assets si Romualdez gaya na lamang ng isang property sa Tamarind Road sa Forbes Park sa Makati na nagkakahalaga ng P1.5 Billion.

Pati ang bahay sa Narra St. sa Forbes Park na binili ng Trans Middle East, na korporasyon ng pamilyang Romualdez.

Kinasuhan namin ngayon ng plunder si Romualdez dahil pumasok sa mga elemento nito ang ginawa niya at ng kanyang mga kasabwat.

1. Ang nagkasala ay opisyal ng gobyerno. Kongresista si Romualdez tulad ni Co. Naging House Speaker pa nga siya.

2. Nagkamal siya ng ill-gotten wealth o nakaw na yaman sa pamamagitan ng serye o kombinasyon ng mga iligal o kriminal na gawain. Naipakita ito sa pamamagitan ng kanilang isinagawang sistema ng percentage-based commitments o quota sa mga infrastructure projects, koleksyon ng balato, paulit-ulit na cash deliveries at pakikipag-sabwatan ng bang mga tao.

3. Mahigit P50 Million ang nakamal na nakaw na yaman. Umabot yan sa humigit-kumulang P7.4 Billion.

Batay ang mga ito sa mga ebidensya at testimonya mula sa maraming mga testigo—kabilang na si dating DPWH Usec. Roberto Bernardo, dating DPWH Bulacan District Engineer Henry Alcantara at iba pang security aide ni Co at maraming iba pa.

Higit diyan ang hawak din naming mga dokumento, titulo, deposito sa bangko at shares of stock sa iba’t ibang korporasyon.

Malinaw at klarong-klaro ang kwento, sistema at naging paraan nina Romualdez kung paano sila nakakuha ng nakaw na yaman.

Sa laban kontra korapsyon, walang kinikilingan ang Ombudsman kundi ang taumbayan.